EnvironmentHealthPalawan AffairsTourism

COAST GUARD STATION EL NIDO, MATAGUMPAY NA NAGSAGAWA NG MEDICAL EVACUATION

Ni Vivian R. Bautista

ISANG (1) may sakit na turista ang matagumpay na natulungan ng Coast Guard Station El Nido (CGS El Nido) matapos itong magsagawa ng medical evacuation (MEDEVAC) noong ika-7 ng Hunyo taong kasalukuyan sa paligid ng dagat ng Seven Commando Beach, El Nido, Palawan.

Base sa inilabas na press release ng CGS El Nido, ipinaalam umano sa kanila ni CG COMMO Rommel A. Supangan, District Commander ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL), ang tungkol sa maysakit na bisita sa Papaya beach.

Sakay ng Motor boat (MB) Excalibur 0109 ay agad na tumugon ang mga miyembro ng CGS El Nido na kasalukuyan umanong nagsasagawa ng Maritime Patrol sa paligid ng naturang lugar matapos na matanggap ang impormasyon.

Kinilala ang maysakit na turista na si G. Aprille Ocampo, 32 taong gulang, residente ng Calatagan, Batangas, at siya ay guest ng MBCA Seashore Gifts.

Photo//CGS – El nido, Palawan

Ayon sa salaysalay ni Ocampo, habang lumalangoy siya ay nakaramdam umano siya ng pananakit ng tiyan at agad niya itong ipinaalam sa kanyang kapatid na si CG LCDR Ailene Abanilla na humiling ng tulong kay CG COMMO Supangan.

Ang mga naka-deploy na miyembro ng CGS El Nido ay nagbigay ng kinakailangang tulong at inihatid ang may sakit na turista kasama ang kanyang asawa sa modular floating dock sa Barangay Buena Suerte at inihatid sila sa kanilang tinutuluyang hotel sa Villa Del Vincejos, Brgy. Maligaya, sa pamamagitan ng PCG Hilux.

Ang Philippine Coast Guard ay inaatasan at responsable na magsagawa ng paghahanap at pagsagip sa dagat, pagpapatupad ng batas sa dagat, kaligtasan sa dagat, pangangalaga sa kapaligiran ng dagat at seguridad sa dagat.

Related Articles

Back to top button
Close