CommunityEntertainmentEventsHeadlinesPalawan AffairsTourism

SOFT OPENING NG BARAGATAN FESTIVAL 2022, NAGSIMULA NA

Ni Saldivar P. Nagamacho

BUKAS na sa publiko ang Baragatan sa Palawan Festival 2022 sa pamamagitan ng isinagawang soft opening nitong ika-10 ng Hunyo taong kasalukuyan.

Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, dumalo sa soft opening sina Gobernador at 2nd Congressional District Congressman-elect Jose Ch. Alvarez, Board Member at Vice-Governor-elect Leoncio N. Ola, Office of the Governoe Chief of Staff at Baragatan Executive Committee Chairman Ceasar Sammy Magbanua gayundin ng ilang mga bisita at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ito ay sinimulan sa pamamagitan ng Misa ng Pasasalamat at Pagkakaisa na isinagawa sa VJR Hall ng gusaling kapitolyo.

Sinundan naman ito ng pagbabasbas ng ‘Barakalan sa Baragatan’ kabilang ang LGU Trade Fair na kung saan nasa dalawampung munisipyo ang mga lumahok dito.

Kasama din dito ang Private Trade Fair, Palawan Souvenir Shops, Food Kiosks na matatagpuan sa loob ng capitol compound. Gayundin ang Garden Show o Halamanan sa Baragatan, Radyo Baragatan sa kapitolyo gayundin ang Sining Palawan Arts Competition at Arandeman Art Exhibit.

Photo//PIO

Tampok rin sa soft opening ang masasarap na putahe sa ‘Caraenan sa Dalan’ na nilahukan ng 35 establisyemento na kung saan mayroong nakakaaliw na musika mula sa iba’t ibang local bands habang kumakain dito ang mga Palaweño pati na rin ng mga lokal at dayuhang turista. Matatagpuan naman ito sa Fernandez Street na bukas mula 5:00 ng hapon hanggang alas 11:00 ng gabi na magtatagal hanggang Hunyo 30.

Samantala, nagsagawa ang Pamahalaang Panlalawigan ng mahigpit na pagpapatupad ng security and health protocols sa pagdiriwang ng Baragatan Festival 2022.

Kabilang sa mga alituntunin ang pagbabawal ng pagdadala ng back pack, panatilihin ang pagsusuot ng facemask at kinakailangan na iprinsinta ang vaccination card.

Maglalagay naman ng puwesto sa Centennial Pavilion ang Provincial Health Office (PHO) para sa mga nais na magpabakuna.

Handa naman magkaloob ng first aid ang mga kawani ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) para sa mga maaaring sumama ang pakiramdam at may nakaantabay rin na ambulansya sakaling magkaroon ng emergency.

Para mas mapaigting ang seguridad ng publiko, mayroong marshalls na nakatalaga upang mapanatiling mapayapa ang pagdiriwang ng Baragatan Festival 2022.

Related Articles

Back to top button
Close