CommunityEnvironmentPalawan AffairsRegional

38,670 BAGS NG HYBRID AT INBRED SEEDS, IPINAGKALOOB SA PALAWAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

MAHIGIT apat na milyon ang kabuuang alokasyon ng libreng hybrid at inbred seeds ngayong wet season para sa mga magsasaka sa rehiyon ng MIMAROPA.

Sa 100 bags ng hybrid seeds na inilaan sa ilalim ng Rice Program ng Department of Agriculture (DA) para sa rehiyon, 26,420 bags o katumbas ng P61.25 milyon ang ipinagkaloob sa Palawan.

At sa 45,115 bags ng inbred seeds para sa rehiyon, ang lalawigan ay nakatanggap ng 12,250 bags na nagkakahalaga ng P18.62 milyon.

Ang pamamahagi nito ay pinangunahan ng mga kawani ng Rice Program katuwang ang City at mga Municipal Agriculture Offices.

Ayon sa DA MIMAROPA, ang isang magsasaka ay makatatanggap ng dalawa hanggang anim (2-6) na bags ng inbred seeds na mayroong 20 kilogram bawat bag para magamit sa isa hanggang tatlong (1-3) ektaryang sakahan batay sa 40 kilong binhi na pangangailangan ng kada ektarya ng palayan.

Kaugnay naman sa isinusulong na clustering approach ng Kagawaran para sa mas episyente, epektibo at sistematikong pagbababa ng kanilang mga interbensyon, ang clustered areas na ang magiging basehan ngayon ng pamamahagi ng mga hybrid seeds kung saan ang bawat cluster ay binubuo ng 100 ektaryang sakahan na may isa hanggang dalawang (1-2) klase ng binhi.

Ang isang ektaryang palayan ay nangangailangan ng isang bag na may lamang 18 kilogram ng hybrid seeds.

Ang kampanyang Abonong Swak ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ay inirekomenda naman sa mga magsasaka bilang suporta sa Balanced Fertilization Strategy ng ahensya kung saan isinusulong ang paggamit ng kombinasyon ng organiko at inorganikong pataba.

Batay pa sa mga eksperto ng tanggapan, sa pamamagitan ng estratehiyang ito makatitipid ang mga magsasaka sa gastos para sa abono. Maliban dito, makapagbibigay rin ito ng pangmatagalang benepisyo sa lupa kung susundin anila ang teknolohiyang inirerekomenda ng Abonong Swak, sila ay maaaring makatipid ng hanggang P4,000 kada ektarya.

Iminumungkahi rin ang paggamit ng Leaf Color Chart App (LCC), Minus One Element Technique (MOET), Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS), o Soil Test Kit (STK) bilang gabay naman sa pag-aabono.

Lubos naman ang pasasalamat ng mga magsasaka sa napakagandang programa ng DA dahil malaki ang naitutulong nito upang makatipid sila sa gastusin sa pagtatanim ng palay.

Related Articles

Back to top button
Close