CommunityEnvironmentHeadlinesMetro PuertoTourism

MAYOR BAYRON, HINIKAYAT ANG PAGSASAGAWA NG COASTAL CLEAN-UP SA CITY BAYWALK

Ni Clea Faye G. Cahayag

NAGPAHAYAG ng pagkabahala si Punong Lungsod Lucilo Bayron sa kalidad ng tubig sa City Baywalk sa pangambang maaaring kontaminado dulot ng mga lumalabas na langis mula sa mga barko na dumadaong sa pier.

Kaugnay nito, kaninang umaga sa flag raising ceremony ng City Government hinikaya’t nito ang pagsasagawa ng coastal clean-up sa baybay.

Aniya, bagama’t nauna nang tinuran ni City Sports Director Rocky Austria na wala namang naging pagpuna ang mga atleta na kamakailan ay lumangoy sa baybay ngunit giit ng Alkalde na kinakailangan pa rin ang paglilinis dito upang lalo pang mapaganda ang kalidad ng tubig sa lugar lalo pa’t bahagi ito ng sports event na Ironman 70.3.

“Nagkuwento siya [Rocky Austria] na nagpalangoy sila sa baywalk natin– talagang ano ako nagwoworry ako doon pero mabuti na sabi niya lasang dagat pa rin ang ating baywalk. Hindi rin nagbago ang lasa ang ibig niyang sabihin hindi naglalasa ng oil o mga natatapon sa mga barko. Normal na dagat siya pero kailangan yata maglinis tayo talaga Atty. Carlo (City Environment and Natural Resources Officer),” pahayag ni Bayron.

“Kailangan magclean-up tayo diyan hanggang dumating ang November. Sige-sige ang clean- up natin para ma-upgrade natin ang quality ng ating baywalk kasi nga baka mapahiya tayo, baka hindi tayo makaulit sa 2023,” dagdag pa ng Alkalde.

Samantala, pag-aanunsyo pa ni Bayron sa kasalukuyan ay mahigit 900 na ang nagpaparehistro na triathletes para sa nalalapit na aktibidad. Kumpiyansa din ito na mahihigitan ang 1,200 na target participants.

“As of kahapon gusto ko ibalita sa inyo 929 na ang nakaregister na triathletes. Ang ibigsabihin kulang lang tayo ng 271 kota na tayo sa target na minimum na 1,200. June pa lang ngayon mahaba haba pa ang period ng registration naniniwala ako na hindi lang 1,200 ang magreregister sa Ironman natin kaya dapat paghandaan talaga natin ito,” ayon pa sa Alkalde.

Related Articles

Back to top button
Close