CommunityEnvironmentEventsMetro Puerto

HARVEST FESTIVAL, ISINAGAWA SA BARANGAY INAGAWAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

PINANGUNAHAN ng City Agriculture Office (CAO) ang isinagawang harvest festival at farm visit sa barangay Inagawan, lungsod ng Puerto Princesa.

Ang aktibidad ay isinagawa sa sakahan ng broccoli, chinese cabbage at snap beans katuwang ang mga magsasakang sina Emma Sabado at Willy Macadangdang na pawang mga benepisyaryo ng Highland Vegetable Production sa naturang barangay.

Ito ay dinaluhan rin ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang asosasyon na kinabibilangan ng Kamuning Farmers Association, Inagawan Sub Farmers Association, Masikap Farmers Association, BALUGA at LOSYANG.

Batay sa impormasyon mula sa CAO, layunin ng proyektong ito na ipakilala sa mga magsasaka ang mga gulay na kabilang sa “Chop Seuy” o yaong mga gulay na nabubuhay lamang sa mga lugar na mayroong malamig na klima at matataas na lugar at upang hikayatin ang mga ito sa paggamit ng lokal na teknolohiya.

Photo// City Agriculture Office

Dagdag pa rito, layunin rin na mapalawak ang taniman nito para mapataas ang sariling suplay ng gulay ng siyudad. Nagbigay daan din ang aktibidad na ito upang makita ng mga magsasaka ang oportunidad sa pagtatanim ng mga highland vegetables na malaki ang maitutulong sa pag-unlad ng agrikultura ng Puerto Princesa.

Nagsagawa rin ang pamunuan ng pesticide residue analysis upang ipakita na ligtas kainin ang mga aning gulay sa lugar.

Bilang pagpapakita naman ng suporta sa mga magsasaka, nakiisa rin sa selebrasyon sina Vice Mayor Maria Nancy Socrates at Deputy Mayor ng Southeast Cluster Rolando “Bong” Amurao.

Related Articles

Back to top button
Close