CommunityEnvironmentPalawan Affairs

DAR, NAGKALOOB NG SOLAR-POWERED IRRIGATION SYSTEM SA TATLONG PALAWAN ARBOs

Ni Vivian R. Bautista

UPANG mabigyan ng patubig ang may kabuuang 15 ektarya ng sakahan ng palay, mangga at gulay, ang Department of Agrarian Reform (DAR) ay nagkaloob kamakailan sa lalawigan ng Palawan ng tatlong (3) hiwalay na solar-powered irrigation system (SPIS) sa tatlong agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs), kailangan umano ito lalo na sa panahon ng tagtuyot na base sa Facebook post ng DAR.

Sinabi ni Regional Director Atty. Marvin Bernal na ang bagong iginawad na sistema ng irigasyon na likas na matipid sa enerhiya ay inaasahan umanong makakabawas sa mga gastos sa produksyon at matiyak ang isang buong taon na pagtaas sa ani ng palay, gulay, at mangga.

Ayon kay Bernal, ang tatlong ARBO na pinagkalooban ng SPIS ay kinabibilangan umano ng Elvita Farmers Multi-Purpose Cooperative sa Barangay Elvita, Sition Manaile ARBs Farmers Association sa Dumagueña, Narra, at Estrella del Norte Multi-Purpose Cooperative sa Bayan ng Taytay, Palawan.

“Ang bawat yunit ng SPIS, na nagkakahalaga ng P861,488 bawat isa, ay binubuo ng 12 solar panel, at dalawang yunit ng polyethylene tank na may kapasidad na dalawang cubic meters bawat isa,” ani Bernal.

Sinabi din niya na ang proyekto ay ipinapatupad sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Project (CRFPSP) ng departamento na idinisenyo upang tulungan umano ang mga miyembro ng ARBO sa mga liblib na lugar na patubigan ang kanilang mga bukirin upang sa ganun ay mapalago ang kanilang mga ani kahit na sumapit pa ang tagtuyot.

“Sa tulong ng SPIS, mababawasan ang production cost ng ating mga magsasaka dahil hindi na sila bibili ng gasolina para sa kanilang generator sets at sa huli ay tataas ang kanilang produksyon dahil ang mga magsasaka ay hindi lamang aasa sa ulan para sa kanilang irigasyon,” dagdag pa niya.

Aniya pa, ang tatlong sistema ng irigasyon na nagkakahalaga ng Php2.6 milyon ay sapat umanong makakapagpatubig sa mga sakahan ng ARBO at makapagsilbi sa humigit-kumulang 48 agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa lugar.

Ayon kay Elvita Farmers Multi-Purpose Cooperative Chairperson Diosdado Banado na sa tulong ng SPIS ng DAR, ang sapat na tubig ay katumbas umano ng masaganang ani.

“Nagpapasalamat kami na nabigyan kami ng solar-powered irrigation system, malaking tulong ito sa amin, lalo na sa second cropping season na walang tubig sa lugar, na napilitan kaming magtanim ng mais imbes na palay,” ani Banado.

Matatandaang, ang bayan ng Narra ay tinawag na “The Rice Granary of Palawan” na siyang pangunahing producer ng bigas ng Lalawigan ng Palawan.

Related Articles

Back to top button
Close