CommunityEntertainmentEventsHeadlinesPalawan AffairsTourism

BARAGATAN FESTIVAL 2022 GRAND OPENING BALIK-SIGLA SA KABILA NG PANDEMYA

Ni Saldivar P. Nagamacho

MASAYA at engrande ang isinagawang grand opening ng Baragatan sa Palawan Festival 2022 sa kabila ng dalawang taong pagkakahinto dahil sa pandemya ng COVID-19 na kung saan dinagsa ng publiko kahapon.

Kahit na matindi ang sikat ng araw, hindi ito inalintana ng mga taong sabik na sabik na matunghayang muli ang ‘Parada ng mga Palaweño’ na nagsimula sa ganap na 1:00 ng hapon mula sa may bahagi ng Katedral ng Imakulada Conception patungo sa bagong pinasinayaang Provincial Government of Palawan (PGP) Convention Center sa Capitol Compound.

Ikinatuwa ng mga manunuod ang mga makukulay at magarbong kasuotan at props gayundin ang nakakaindak na tugtugin sa Pantiguan sa Baragatan Dance Parade na nilahukan ng labing anim na Local Government Units (LGUs) na kung saan ibinida ng mga elected officials at kawani ng LGU ang kanilang husay sa pagsasayaw.

Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng Kapitolyo, binubuo ang bawat munisipyong kalahok ng hindi hihigit sa 30 na miyembro at hindi naman bababa sa 20 na pawang mga elected, appointed local officials at kawani ng bawat LGU.

Photo//Saldivar Nagamacho

Nagpasiklaban din ang bawat munisipyo at private organizations ng makukulay at nag gagandahang float na may iba’t ibang disenyo na ginamitan ng indigenous at biodegradable materials na kung saan tampok ang kanilang ipinagmamalaking produkto at serbisyo na umaabot naman sa dalawampu’t apat ang lumahok.

Maraming kabataan naman ang dumagsa, nakipagsiksikan at sumabay sa pagkanta sa pagtatanghal ng kanilang iniidolong banda na ‘Silent Sactuary’ para sa Sponsors Night na ginanap sa Palawan Heritage Center. Base sa impormasyon, handog ito ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang Coral Bay Nickel Corporation at Graymont (Philippines), Inc.

Masaya rin nasilayan ng lahat ang makukulay at kumukutikutitap na fireworks display sa gusaling kapitolyo bilang pasasalamat ni Gobernador Jose Ch. Alvarez para sa mga Palaweño na mainit na sinalubong ang muling pagbabalik ng Baragatan sa Palawan Festival ngayong taon.

Related Articles

Back to top button
Close