CommunityHeadlinesHealthPalawan AffairsRegional

PALAWAN, PINAKAMATAAS ANG KASO NG HAND, FOOT AND MOUTH DISEASE SA MIMAROPA

Ni Clea Faye G. Cahayag

SA datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) simula Marso 22 hanggang Hunyo 18, 2022 ang buong rehiyon ng MIMAROPA ay nakapagtala na ng 768 kaso ng Hand, Foot and Mouth Disease (HFMD) kung saan nanguna ang Palawan sa rehiyon sa may pinakamataas na kaso nito.

Sa kabuuang bilang, 570 ang naitala sa Palawan kung saan ang Puerto Princesa City ay mayroong 138, Narra- 70, Bataraza- 61, San Vicente- 57, Cuyo- 50, Rizal-46, Magsaysay- 33, Dumaran- 28, Brooke’s Point- 19, Aborlan- 18, Quezon- 15, El Nido- 11, Taytay- 9, Roxas- 7, Coron- 5, Sofronio Espanola- 2, Busuanga- 1 at Agutaya-0.

Ayon kay DOH- CHD MIMAROPA Regional Director Dr. Mario S. Baquilod ang kaso ngayon ng HFMD ay napakataas kung ikukumpara sa naitalang kaso nito sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Ang Hand, Foot and Mouth Disease ay isang nakakahawang sakit na karaniwang nakikita sa mga bata. Ang sakit na ito ay sanhi ng Enterovirus, isang virus na nagdudulot ng mga mapupulang butlig o sugat sa mga kamay, paa, bibig at lalamunan.

Ito ay naipapasa sa pamamagitan ng pagbahing o pag-ubo at sa direktang paghawak sa mga bagay na natalsikan ng laway, sipon, sugat o dumi ng taong may sakit nito.

Ilan lamang sa mga sintomas nito ay ang pagkakaroon ng lagnat, pulang butlig o sugat sa kamay at paa, maliliit na sugat sa bibig at lalamunan, pananakit ng lalamunan at pananamlay at kawalan ng gana sa pagkain.

Ito ay maiiwasan sa pamamagitan ng wastong paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng kalinisan sa ating katawan at kapaligiran. Kumain ng mga masusustansyang pagkain at uminom ng maraming tubig. Palagiang i-disinfect ang mga bagay na madalas hawakan o isubo ng inyong anak at iwasan ang mataong lugar at pakikisalamuha sa mga taong may sakit.

Kaugnay nito, hinihikayat ni Baquilod ang mga magulang o guardian kung ang inyong anak ay makikitaan ng mga nabanggit na sintomas mainam na kumonsulta sa pinakamalapit na health center sa inyong lugar. Hangga’t maaari, ihiwalay ang inyong anak sa iba pang bata sa pamilya upang maiwasan ang pagkakahawa at gumamit ng mask at palagiang maghugas ng kamay.

Ayon naman kay Medical Officer lll Dr. Christy Andaya, kadalasang mga kalalakihan ang tinatamaan nito o may katumbas na 55%. Edad 2 hanggang 31 taong gulang naman ang maaring magkaroon ng sakit na ito.

Aniya, bagama’t ang HFMD ay benign o kusa namang gumagaling mainam pa rin ang pag-iingat upang maiwasan ito.

Sa grupo ng enterovirus mayroong tinatawag na variant Cox A16 at EV 71. Ang Cox A16 ay isang mild o madaling gumaling lamang pero mayroong maliit na porsiyento na nagkakaroon umano ng komplikasyon gaya ng myocarditis at ang EV 17 naman ay isang severe na kaso nito kung saan nagdudulot na ito ng impeksyon at kinakailangan ng dalhin sa pagamutan.

Nilinaw pa ni Andaya na sa kabila ng mataas na kaso ng HFMD sa Palawan wala pang idinedeklarang outbreak nito sa lalawigan ngunit binigyang diin nito na ang kasalukuyang kaso ay nakaaalarma kaya panawagan nila na sundin ang mga kaakibat na pag-iingat upang hindi na dumami pa ang kaso nito.

Tuluy tuloy naman aniya ang kanilang programa may kinalaman sa Hand, Foot and Mouth Disease.

Samantala, nakapagtala naman ng kaso ng HFMD sa Romblon- 147,Oriental Mindoro- 24, Marinduque- 18 at Occidental Mindoro- 9.

Related Articles

Back to top button
Close