EventsHeadlinesMetro PuertoPalawan AffairsPolitics

OATH TAKING CEREMONY NG MGA BAGONG HALAL NA OPISYALES NG PUERTO PRINCESA CITY AT 3RD DISTRICT NG PALAWAN, ISINAGAWA

Ni Clea Faye G. Cahayag

NANUMPA na noong araw ng Huwebes, ika-30 ng Hunyo taong kasalukuyan ang mga bagong halal na opisyales ng lungsod ng Puerto Princesa at 3rd District ng Palawan.

Sina Mayor Lucilo Bayron, Vice Mayor Maria Nancy Socrates, Palawan 3rd District Representative Congressman Edward Hagedorn, at 10 City Councilors na sina Patrick Alex Hagedorn, Judith Bayron, Luis Marcaida lll, Feliberto Oliveros lll, Elgin Robert Damasco, Jimmy Carbonell, Modesto Rodriguez ll, Herbert Dilig, Nesario Awat at Henry Gadiano ay nanumpa sa harap ni Executive Judge Joy Sundiang-Dilig ng Regional Trial Court ng Palawan bago ang pagsisimula ng kanilang bagong termino.

Ang seremonya ay isinagawa sa Costa Palawan Resort at dinaluhan ng iba’t ibang personalidad.

Ayon kay Mayor Bayron ang panibagong pagkakataon na makapagsilbi sa mga mamamayan ng lungsod ay tutumbasan niya ng tapat at maagap na serbisyo.

Ang kanyang panunungkulan ay muli niyang iniaalay sa lahat ng mga mamamayan ng Puerto Princesa lalo na sa mga maliliit at ordinaryong mamamayan, mga senior citizen, may kapansanan at sa mga kabataan.

At kanya ring pormal na inilunsad ang Mega Apuradong Administrasyon.

Photo//Repetek

“Sa terminong ito ng 2022 hanggang 2025 ngayong umaga nilulunsad ko ang Mega Apuradong Administrasyon na higit na mas apurado pa sa nakaraang panunungkulan upang maihatid natin ang mga proyekto, programa, at mga serbisyo sa mamamayan natin sa lalong madaling panahon,” ayon sa Alkalde.

Bahagi naman ng inaugural speech ni Vice Mayor Socrates ang pagbibigay pugay at pasasalamat sa kanyang yumaong ama na si dating Palawan Governor Salvador “Badong” Socrates.

Aniya, ang iniwang legasiya at magandang liderato ng kanyang ama ay patuloy niyang tinatamasa hanggang ngayon.

“He served with humility, with sincerity, with integrity and with respect for his fellow men. He served so much passion for his job and profound love for Palawan and its people. He never wavered and was firm in his belief that those in government have the responsibility to bring hope and impact change for the people. And, although pragmatic he never lost his ideals and continuously work to make a better world for everyone,” ani Socrates.

Sa kanyang pangalawang termino titiyakin aniya na mababalanse ang pagbibigay importansya sa mga proyektong pang-imprastraktura at paghahatid ng basic social services sa mga mamamayan.

Tinuran naman ni Palawan 3rd District Representative Congressman Edward Hagedorn na sa kanyang unang araw ng pag-upo bilang Kongresista una niyang aasikasuhin na mabigyan ng tamang suporta trabaho at opurtunidad ang lahat ng mamamayan.

Aminado itong kinakabahan sa kanyang bagong papel na gagampanan ngayon bilang isang neophyte Congressman ngunit itinuturing niya rin itong isang bagong oportunidad na muli ay makapaglingkod sa taumbayan at maging instrumento sa pagdadala ng pagbabago sa Puerto Princesa at munisipyo ng Aborlan.

Related Articles

Back to top button
Close