
PROGRAMANG MALASAKIT NA BAHAY TULUYAN SA BAYAN NG CULION, HINAHANDA NA
Ni Vivian R. Bautista
ISINAGAWA ngayong araw ng Miyerkules ika-20 ng Hulyo taong kasalukuyan, ang pag-iinspeksyon sa gagawing “Bahay Tuluyan” na matatagpuan sa Barangay Culango ng naturang bayan.
Naging posible ito sa pangunguna ni Municipal Administrator, Maxim F. Raymundo sa ilalim ng direktiba ni Culion Mayor Ma. Virginia de Vera, batay sa ibinahaging Facebook post ng Munisipalidad ng Culion.
Siniguro ng kanilang lokal na Pamahalaan na maging maayos at ligtas ang naturang lugar at tuloy-tuloy din umano ang pagsasaayos at pagpapaganda nito upang may maayos na matuluyan ang kanilang mga kababayan.

Pormal na bubuksan sa publiko ng lokal na Pamahalaan ng Culion sa darating na ika-15 ng Agosto ang “Bahay Tuluyan” upang makapagbigay umano ng serbisyo para sa kanilang mga mamamayan.
Layon ng Programang Malasakit na makatulong umano sa mga mamamayan ng Culion na walang matutuluyan sa poblasyon habang nagpapagaling ang mga kaanak nito sa ospital. Ito ay isang programa ni Mayor V upang mapadali, mapabuti at mapagaan ang buhay ng mga kapuspalad na kababayan.