CommunityHeadlinesHealthNational and InternationalPolitics

PBBM, HINIHIKAYAT ANG LAHAT NA MAGPA-BOOSTER SHOT BILANG PAGHAHANDA SA FACE-TO-FACE CLASSES.

Ni Vivian R. Bautista

SA kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ginanap sa Batasang Pambansa Complex ngayong araw ng Lunes ika-25 ng Hulyo taong kasalukuyan ay kanyang tinalakay ang tungkol sa paghihikayat sa lahat ng mamamayan na kumuha na ng kanilang booster shot bilang paghahanda sa nalalapit na Face-to-Face classes sa darating na pasukan.

Ayon kay Pres. Marcos Jr., naghahanda na umano si Vice President at Secretary of Education Sara Duterte para sa pagpapatupad nito sa darating na pasukan, na may lubos na pagsasaalang-alang para sa kaligtasan ng mga mag-aaral lalo pa’t nasa gitna pa rin tayo ng Covid-19 pandemic.

Tinuran din ng Pangulo na dapat tiyakin na ang mga silid-aralan ay ligtas para sa mga mag-aaral, mga guro, at pati na rin sa buong komunidad ng akademya kapag bumalik na sila sa eskwela.

“Ang Edukasyon ay ang tangi nating pamana sa ating mga anak na hindi mawawaldas, kaya anumang gastusin sa kanilang pag-aaral ay hindi tayo nagtitipid, hindi rin tayo nagtatapon,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon pa sa kanya, kailangan din umano ng mga materyales para sa mabisang pagtuturo, dahil ang mga bata ay nangangailangan ng Internet connection pati narin ng mga device na tulad ng computer at mga gamit para sa edukasyon.

Isinusulong din ang STEM subject na Science, Technology, Engineering, at Mathematics dahil ang mga kasanayan at kaalamang ito ay kinakailangan para ang mga kabataan ay maaari umanong makipagpaligsahan sa isang mataas na kumpetisyon na teknolohikal sa buong mundo.

“The raw talent is there in our young people, it is up to our educational system to develop and to refine that great tool of talent,” dagdag pa ng Pangulo.

Samantala, sa kanyang SONA ay inatasan din ni PBBM ang Department of Health (DOH) at Department of Interior and Local Government (DILG) na maglunsad ng bagong rollout ng booster shots.

Related Articles

Back to top button
Close