CommunityHeadlinesMetro Puerto

PAGLALAGAY NG MGA HANDWASHING STATIONS SA LUNGSOD, IPINANUKALA

Ni Clea Faye G. Cahayag

ISANG ordinansa ay ipinanukala sa City Council ni Sanggunian Kabataan (SK) Federation President Myka Mabelle Magbanua may kinalaman sa paglalagay ng mga handwashing stations sa lungsod ng Puerto Princesa.

Layunin ng ordinansang ito na ang lahat ng pampublikong lugar sa lungsod, maging ang mga bagong proyekto ng lokal na pamahalaan ay magtalaga ng handwashing stations.

Sa panayam kay Magbanua, tinuran nito na ang hakbang na ito ay isa sa mga aral na kanyang nakuha ngayong panahon ng pandemya.

Ang wastong paghuhugas ng kamay ay isa sa mga health protocols na ipinatutupad bilang pag-iingat hindi lang sa Covid-19 kundi sa iba pang mga sakit na maaaring makuha sa maruming kapaligiran.

“Siguro isa ito sa mga aral na nakuha natin ngayong pandemya. Yes, tinuturuan tayo simula Day care, Grade 1 to 3 tinuturuan tayo kung paano ang proper handwashing pero habang tumatagal parang habang tumatanda tayo hindi na natin naalala yung mga itinuro sa atin before at hindi rin tayo ganun kasanay na ugaliin ang paghuhugas ng kamay pero itong move na ito ay isang promotion na dapat makaugalian na natin na dapat maghugas ng kamay, yung nasa wasto na proseso,” ani Magbanua.

“Ang gusto sana natin dito ang lahat ng ating mga upcoming projects ng City Government ay dapat may designated hand washing stations. Lahat ng mga pampubliko at private establishments na tumatanggap ng publiko sa loob ng kanilang establisyimento ay dapat mayroong handwashing stations,” dagdag pa nito.

Sa kanyang panukala, nakasaad din na ang mga mag-aaplay ng business permit ay dapat mayroong kaakibat na handwashing station bilang bahagi ng requirement.

Kung maaprubahan ang panukala ni Magbanua, mayroong karampatang parusa ang mga hindi susunod dito at hinikayat ang mga mamamayan na makipag-ugnayan sa mga kinauukulan kung mayroong mapag-aalamang hindi tatalima rito.

“Kung kanino man po ang place na yan mandato po nila na kailangan i-maintain nila yung kabuuan ng ano natin handwashing stations at doon sa proposal ordinance natin actually may specific na reinforcement para po ma-maintain nila kasama din po yun sa application ng business permit na dapat may picture po sila ng handwashing stations every now and then dapat po yung sanidad natin ay kasama din po yun sa checklist nila ng inspection kapag nag-apply for business permits, expecting isusustain ng mga establishments natin,” ayon pa kay Magbanua.

Related Articles

Back to top button
Close