CommunityEnvironmentPalawan Affairs

HVCDP, NAMAHAGI NG MGA KAGAMITANG PANSAKA AT BINHI SA SDO- PALAWAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

Ang Department of Education Schools Division Office- Palawan (SDO- Palawan) ay pinagkalooban ng mga kagamitang pansaka at mga binhi ng gulay.

Benepisyaryo nito ang nasa 20 paaralan sa lalawigan na dumaan sa assessment kung saan kinakailangan na ito ay mayroong lugar na maaaring pagtamnan at may kakayahang maitaguyod ang gulayan sa mahabang panahon.

Ang mga kwalipikadong paaralan ay makatatanggap ng tig dadalawang sprinkler, hand sprayer, pala, kalaykay, at asarol. Maliban dito, bibigyan din sila ng tig tatatlong unit ng hand cultivator at plastic trowel.

Pinangunahan ni Palawan Agricultural Program Coordinating Officer Vicente A. Binasahan, Jr. ang aktibidad kasama ang mga kinatawan sa SDO-Palawan na sina OIC-Assistant Schools Division Superintendent Arnaldo G. Ventura, Chief Education Supervisor Felina P. Padrones, Education Program Supervisor Eric N. Quillip, Division GPP Focal James Roin V. Manlavi at Supply Section staffs Leslie A. Bascongada, Christian Fel C. Abrina, at kawani ng Palawan HVCDP.

Batay sa ibinahaging impormasyon ng DA RFO Mimaropa, ang pamamahaging ito ay sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran bilang paghahanda para sa “Gulayan sa Paaralan” sa nalalapit na face-to-face classes.

Kaugnay nito, nagpasalamat si G. Manlavi, ang coordinator ng Division Gulayan sa Paaralan Program (GPP) dahil malaki aniya ang maitutulong nito para sa pagtataguyod ng Gulayan sa Paaralan at sa pagdebelop ng karakter at kaalaman ng mga mag-aaral hinggil sa agrikultura.

Layunin ng programa na mahikayat ang mga mag-aaral at mga guro na magkahilig sa agrikultura para maging katuwang sa pagsulong ng sustainable agriculture sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling taniman ng gulay.

Maliban dito, nakatanggap din ang Schools Division Office -Puerto Princesa City (SDO-PPC) ng parehong interbensyon na kanilang namang ipapamahagi sa walong (8) napiling paaralan sa lungsod.

Related Articles

Back to top button
Close