CommunityHeadlinesMetro PuertoPolitics

MAYOR BAYRON, PINANGUNAHAN ANG PANUNUMPA NG MGA APURADONG KABATAAN NG LUNGSOD

Ni Clea Faye G. Cahayag

MATAPOS ang flag raising ceremony ng City Government noong araw ng Lunes, ika-1 ng Agosto taong kasalukuyan pinangunahan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang panunumpa ng mga kasapi ng Puerto Princesa City Young Leaders Academy o Apuradong Kabataan ng Puerto Princesa.

Ito ay isang programa ng City Youth Development Office katuwang ang opisina ng Sangguniang Kabataan (SK)- Puerto Princesa sa ilalim ng City Mayor’s Office.

Ayon kay City Youth Coordinator Ralph Asuncion, 60 mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay at paaralan sa lungsod ang kabilang sa unang bahagi ng naturang leadership training program. Ang mga ito ay dumaan sa screening, interview at written exam.

Ang kanilang pagsasanay ay isasagawa sa loob ng anim na buwan kung saan ilan lamang sa kanilang mga pag-aaralan ay ang aspeto ng leardership, communication, personality development, first aid, disaster preparedness, fire fighting , HIV/AIDS education ,reproductive health awareness, vlogging, mobile photography, parliamentary procedures, planning & project proposal development, coastal clean-up, tree planting at iba pa katuwang ang iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan at mga non-government organizations.

“Layunin ng programa na ito, ihanda ang mga kabataan upang maging mga susunod na mga lider sa ating pamayanan dahil naniniwala si Mayor na mas magandang angat ang ating mga kabataan sa Puerto Princesa City,” ani Asuncion.

Photo//Repetek

Paliwanag pa nito, pagkatapos ng ilang buwang pagsasanay ang mga kabataang ito ay magkakaroon ng praktikum sa kani-kanilang mga barangay at paaralan upang i-aplay ang kanilang natutunan sa pagsasanay.

Batay sa resolusyon ng pambansang kagawaran ng mga kabataan ang mga kabataang edad 15-30 ang maaaring makapasok sa programa.

“Ang kanilang pagsasanay sa ngayon po ay wala pang pasok, ito po ay gagawin pa naming ng mga ilang beses sa isang buwan pero pag meron na pong pasok ito po ay magiging isa, dalawa hanggang tatlong beses na lamang sa isang buwan kung kailan po sila pwedeng makapag-attend ng ating activity,” ang tinuran ni Asuncion sa Sangguniang Panlungsod.

Tinuran naman ni SK Federation President Myka Mabelle Magbanua ang tatlong milyon na pondo sa isang taon ng City Youth Development Office ay hindi sasapat sa napakaraming nakalinyang programa para sa mga kabataan.

Kaugnay nito, nagpasa ng isang resolusyon si City Councilor Elgin Robert Damasco na humihiling kay Mayor Bayron na dagdagan ang pondo ng naturang opisina sa taong 2023.

Related Articles

Back to top button
Close