EnvironmentHeadlinesMetro Puerto

DI UMANO’Y PYESA NG KAGAMITANG PANGKALAWAKAN NG TSINA NA BUMAGSAK SA KARAGATANG SAKOP NG PUERTO PRINCESA, NAIS IMBESTIGAHAN

Ni Clea Faye G. Cahayag

NAIS imbestigahan ng Sangguniang Panlungsod ang di umano’y pyesa ng kagamitang pangkalawakan ng bansang Tsina na bumagsak sa karagatang nasasakupan ng Puerto Princesa noong ika-30 ng Hulyo taong kasalukuyan.

Sa privileged speech ni City Councilor Elgin Robert Damasco, siya ring nagbukas ng usapin sa City Council marapat umanong malaman ng mga mamamayan ng lungsod kung totoo o hindi ang naturang usapin lalo pa’t sa kasalukuyan wala pang inilalabas na pormal na pahayag ang gobyerno ng Pilipinas kaugnay dito.

“Nung nakarang araw ng Linggo pa natin sinusundan ang di umano pagbagsak ng isang rocket debris sa karagatang bahagi ng Puerto Princesa. Marami po tayong binabasa at wala pa rin pong pormal na pahayag ang gobyerno ng Pilipinas pero dito po sa mga international news ay lumalabas na ang mga
balita na ito. Kinumpirma na nga po ng China Manned Space Agency na nagpaputok sila ng rocket nung Sabado. Ayon po sa impormasyon ang landing area ay nasa 119.0 degrees east longitude at 9.1 degrees north latitude. Base po sa ginawang pagsusuri ito po ay malapit sa karagatang east coast ng Puerto Princesa City,” ayon kay Damasco.

Kaugnay nito, dapat aniyang gumawa ng aksyon ang lokal na pamahalaan at makipag-ugnayan sa mga otoridad para magkaroon ng kalinawan dahil nakasalalay dito ang seguridad ng mga mamamayan.

“Kung totoo po yan, kaya nga ang suhestiyon ng representasyong ito na tayo ay gumawa ng pagsusuri sa mga karapatdapat na ahensya patungkol dito dahil kung totoo ito nakasalalay ang seguridad hindi lamang dito sa mainland kundi pati na rin sa mga mangingisda na nakalaot nung mga panahon na iyon,” pahayag pa ni Damasco.

Sinusugan naman ni Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Myka Mabelle Magbanua ang mga tinuran ni Damasco at binigyang diin na nakasalalay dito ang seguridad ng lungsod.

“Maaari din po na magkaroon pa ng susunod at kung wala tayong alam eh baka sa ibang parte ng ating lungsod malaglag ang mga debris na yan. Sa mga susunod na panahon baka magkaroon din ng iba pang usapin tungkol sa seguridad mas maigi na tayo ay kumbaga sinasabi na pro-active bago pa man mangyari ang mga pangyayari na yun. At syempre karapatan natin bilang lokal na pamahalaan na malaman kung ano yung mga bagay na syempre may kaugnayan ang ating lungsod ng Puerto Princesa,” ani Magbanua.

Samantala, sa ibinahaging impormasyon sa lokal na midya ni WESCOM Public Affairs Chief Officer Maj. Cherryl Tindog, nagsagawa na ng imbestigasyon ang kanilang tanggapan patungkol dito at walang natagpuang debris o piyesa ng rocket.

Nakipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga mangingisda sa lugar na agad ipagbigay sa kanilang ahensya kung mayroong matatagpuang debris.

“Continuing effort naman siya pero we have also asked the community, including the fisherfolks to report to us if ever meron silang makita na debris. Historically kasi, fishermen ang nakakakita ng debris din na napadpad na sa shoreline,” ayon kay Tindog.

“What we are grateful for is that wala naman tayong na-receive na info about any damage to lives or property dito sa AOR natin,” dagdag pa nito.

Related Articles

Back to top button
Close