CommunityEventsFeatureHeadlinesMetro PuertoTourism

PISTA Y’ ANG CUYUNON 2022, BUKAS NA

Ni Clea Faye G. Cahayag

IPAGDIRIWANG sa lungsod ng Puerto Princesa bukas, araw ng Biyernes, ika-5 ng Agosto taong kasalukuyan ang Pista Y’ Ang Cuyunon.

Ang unang linggo ng Agosto ay itinalagang “Cuyunon week” batay sa City Ordinance 934 na iniakda ni Vice Mayor Maria Nancy Socrates na layuning mai-preserba ang kulturang Cuyunon.

Ang aktibidad ay magsisimula ng 7:00 AM sa pamamagitan ng isang Misang Cuyunon sa Immaculate Concepcion Cathedral. Susundan ito ng Pagpapalista ang Agtarabo at ng isang parada sa Taft St., Roxas St., Manalo St., Lacao St., papuntang Rizal Avenue sa Mendoza Park kung saan isasagawa ang pormal na programa.

Matatandaang 2019 unang nagsagawa ng face-to-face celebration ng Pista Y’ ang Cuyunon at nasundan na lamang ito ng virtual celebration noong taong 2020 at 2021 dahil sa Covid-19 pandemic.

Sa programang Turismo Dade ng City Tourism Office tinuran ni G. Rene Baylon na napakahalaga ng pagdiriwang na ito bilang bahagi ng cultural tourism.

“Napakahalaga ng ating Pista Y’ Ang Cuyunon dahil ito ay bahagi ng tinatawag nating cultural tourism. Napakayaman ng kultura nito lalong lalo na sa Cuyo, Taytay ,at Roxas– napakaraming Cuyunon diyan,” ani Baylon.

Ayon naman kay Gng. Lalaine Gualin, marami na ang nagpaabot ng kumpirmasyon mula sa 66 barangay sa lungsod na makikiisa sa selebrasyon bukas.

Aniya, ilan lamang sa mga patimpalak na dapat abangan ay ang Cuyunon Vlog, Pinondo- Pondo Dance, Birso at Kaansianunan Nga Mga ati.

Related Articles

Back to top button
Close