CommunityEnvironmentHeadlinesPalawan Affairs

PINAKABAGO AT PINAKAMALAKING BARKO NG PHILIPPINE COAST GUARD, DUMATING SA PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

DUMATING sa Palawan ngayong araw ng Huwebes ika-4 ng Agosto taong kasalukuyan ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) matapos ang matagumpay nitong maritime patrol mission sa karagatan ng West Philippine Sea (WPS).

Sa ibinahaging Social Media post ng Coast Guard District Palawan, ang nasabing barko ay isa umano sa pinakabago at pinakamalaking barko na 97-meter Multi-Role Response Vessel ng Philippine Coast Guard (PCG) na ipinangalan kay Teresa Magbanua ang “Visayan Joan of Arc”.

Tinatayang nasa dalawampung (20) tonelada ang kabuuang kargamento na lulan ng nasabing barko upang dalhin sa lalawigan ng Palawan na kalauna’y naibaba sa tulong ng mga estudyante ng Coast Guard Special Operations Force, kabilang din dito ang iba’t ibang gamit para sa Coast Guard K9, Coast Guard District Palawan at 3rd Marine Brigade.

Agad na nakipag-ugnayan ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa lokal na PDRRMO, mga lokal na Pamahalaan, at iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang agarang maibaba at maipaabot sa mga nangangailangang Palaweño ang mga tulong gaya ng relief packs, esensyal na mga gamot, medical equipment, hospital beds, at iba pang pangunahing suporta mula sa Pamahalaang Nasyonal.

Photo//Coast Guard District Palawan

Ang nasabing barko ay una nang naghatid ng mga esensyal na kagamitan patungo sa mga isla ng Patag, Likas, Lawak at Pag-asa na sakop ng Coast Guard Station Kalayaan.

Bumisita rin at nagbigay pugay sa pamunuan ng CGDPAL na si COMMO Rommel A. Supangan ang Punong Tagapamahala ng BRP Teresa Magbanua na si CG CDR Erwin T. Tolentino kasama ang kanyang Pangalawang Pinuno na si CG CDR Artzell M. Anacan at duon ay nag-ulat sila ng detalye sa kasalukuyang sitwasyon sa West Philippine Sea at sa katatapos lamang na isinagawang misyon sa Ayungin Shoal para sa BRP Sierra Madre (LS-57).

Samantala, ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ay naitalaga at nakumisyon sa PCG noong ika-3 ng Mayo ngayong taon upang palakasin at pag-ibayuhin ang kaligtasan, seguridad, pangangalaga ng karagatan at pagpapatrolya sa soberanya ng Bansa.

Matatandaan din na ang nasabing barko ay lumahok sa Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2022 sa pagitan ng PCG, Directorate of Sea Transportation (DGST) ng Republic of Indonesia, at Japan Coast Guard (JCG) na ginanap sa karagatan ng Makassar, Indonesia noong Mayo 22 hanggang 29, 2022.

Related Articles

Back to top button
Close