CommunityEnvironmentFlora and FaunaHeadlinesMetro PuertoPalawan Affairs

PCSD, NANAWAGAN SA MGA LOKAL NA PAMAHALAAN PARA SA PAGPAPANUMBALIK NG MASIGLANG KAGUBATAN SA PALAWAN

Ni Vivian R. Bautista

SA pangunguna ni PCSD Executive Director Atty. Teodoro Jose Matta, nanawagan ngayon sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) na i-adjust ang mga pagpaplano at mga programa ng mga ito ukol sa pagpapanumbalik ng masiglang mga kagubatan sa Palawan na mensahe ng una sa kanyang pagdalo sa ikalawang araw ng “Usapang Palawan Summit 2022” na ginanap sa City State Asturias Hotel noong ika-18 ng Agosto taong kasalukuyan.

“We need your help, province level, city level, to adjust your plans and programs to reforestation and restoring our beloved Palawan. We recommend 10,000 hectares at least for reforestation for each municipality, and hopefully, expand that to even greater areas,” ani PCSD ED Matta.

Panawagan ng ahensya, na magkaroon sana ng mga pagbabago sa mga polisiya ang bagong susunod na administrasyon na makatutulong sa pangangalaga ng likas-yaman ng lalawigan, base sa Social Media post ng PSCD.

Sinabi ni Executive Director Matta na malaking bahagi ng kagubatan sa sur ang nawala dahil umano sa agricultural expansions, human settlements at pagkakaingin mula pa noong taong 2005 hanggang 2015 na ayon sa pag-aaral ng ahensya.

Lumalabas na aabot sa 60% ng kagubatan sa bahaging norte ng Palawan ang nasira dahil sa paghagupit ng bagyong Odette base aniya sa post-Odette environmental damage assessment na isinagawa ng naturang tanggapan.

Matapos ang mensahe ni ED Matta ay iprinisenta na ng PCSDS ang mga pag-aaral na isinagawa nito patungkol sa estado ng lalawigan, at pati na rin ang kanilang mga susunod na pagpaplano o hakbang para sa susunod na taon.

Samantala, ang iligal na pagtotroso, pagmimina at pag-quarry, kaingin, at iligal na pangangalakal ng wildlife ay ilan lamang sa mga pangunahing banta sa likas-yaman ng lalawigan ng Palawan.

Related Articles

Back to top button
Close