Metro Puerto

PAGPAPABILIS NG PAG-ISYU NG COA SA BAGONG CITY IPMR, HINILING

Ni Clea Faye G. Cahayag

MAYO 15 pa natapos ang termino ni dating Puerto Princesa City Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) at ex-officio member Nestor Saavedra ngunit magpahanggang ngayon ay nananatiling bakante pa rin ang iniwan nitong posisyon.

Sa privilege speech ni Konsehal Elgin Robert Damasco kahapon sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod, hiniling nito sa Konseho na magpadala ng isang resolusyon sa pamunuan ng National Commission on Indigenous People- MIMAROPA na agarang isyuhan ng Certificate of Affirmation (COA) si John Mart Salunday.

Si Salunday ang papalit kay Saavedra at uupong ikatlong IPMR ng lungsod na mula sa mga tribu ng Tagbanua.

Ani Damasco, siya ay nababahala dahil sa ngayon ay hindi napagtutuunan ng pansin ng opisina ng IPMR ang mga proyekto at programa para sa mga katututubo dahil hindi pa pormal na nakapanumpa si Salunday dahil sa kawalan ng COA.

 “Tumatagal na po parang binobola lang tayo ng NCIP. Ang representasyong ito ay humihiling sa konsehong ito na magpadala ng resolusyon asking NCIP Regional Director Roberto Almonte to immediately issue the certificate of affirmation dahil medyo nagkakaproblema na tayo dahil hindi na natututukan ang programa at proyekto para sa mga katutubo dahil walang representasyon ang mga katutubo dito sa Sangguniang Panlungsod at kung maaari mag-express na rin tayo ng support para sa agarang pagrelease ng Certificate of Affirmation ni Ginoong Salunday,” pahayag ni Damasco sa kapulungan.

Napagkasunduan sa plenaryo na ang iminosyong resolusyon ni Damasco ay iaakda ng buong miyembro ng konseho.

Isang e-mail naman na may petsang Mayo 20 ang ipinadala ni Director Almonte kay Sanggunian Secretary Atty. Philip Jerome Hilario, nilalaman nito na agad namang aaksiyunan ng NCIP ang pag-iisyu ng COA kay Salunday.

Related Articles

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Back to top button
Close