CommunityEnvironmentHeadlinesMetro PuertoTourism

CITY VET, INATASANG TIYAKIN NA WALANG ASONG GALA SA MGA LUGAR NA DADAANAN NG IRONMAN 70.3

Ni Clea Faye G. Cahayag

Ipinatutupad ng City Veterinary Office ang panghuhuli sa mga stray dogs o asong gala dahil nagiging sanhi ito ng disgrasya sa mga motorista at kapahamakan sa mga taong naglalakad sa kalsada.

Maliban dito, ikinakalat din ng aso ang mga basura sa lansangan dahil sa paghahanap ng pagkain.

Sa panayam ngayong araw ng Martes kay City Veterinarian Dra. Indira A. Santiago, prayoridad ng kanilang tanggapan sa ngayon ang mga lugar na dadaanan ng nalalapit na Ironman 70.3, isang long-distance triathlon.

Aniya, inatasan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang City Vet na i-monitor at tiyakin na walang mga asong gala sa lansangan bilang preparasyon at sa mismong araw ng nabanggit na aktibidad.

“Magkakaroon ng Ironman by this November, isa sa malaking problema talaga yung mga nakakalat na aso sa lansangan kaya ang sinabi ni Mayor [Bayron] i-prioritized ang dadaanan ng Ironman kailangan walang aso sa kalsada, walang asong makikita sa mga panahon na yun.

Yung mga areas na tinuturo na dadaanan yun talaga sa ngayon yung prayoridad mula sa Baywalk hanggang dito sa [barangay] San Pedro, Abanico, Sta.Monica, Sicsican, Irawan kasi doon nga iikot hanggang Iwahig,” ani Santiago.

Ang lungsod ay mayroon lamang isang impounding area na matatagpuan sa barangay Tagburos na limitado lamang sa 70 aso ang maaaring ilagay.

Sa datos ng kanilang tanggapan nasa 35,000 ang bilang ng mga aso sa siyudad na kinakailangan nilang i-monitor.

Paliwanag pa ni Santiago, dahil limitado lamang ang impounding area ilan sa mga aso na na-i-impound ay pinadadala sa dog sanctuary sa Port Barton.

“Ayaw nila na pinapatay yung aso after three days ina-adopt nila doon so ang mga aso natin doon [impounding area] pinapadala natin sa Port Barton pero may [kaakibat na] guidelines kailangan makapon, kailangan ma-ligate pag babae, kailangan indyeksyunan ng 5in1 at anti-rabies vaccine bago nila tanggapin. Tayo sumusunod din dahil mas mabuti na yan nandoon may matutuluyan ang aso,” ayon pa sa opisyal.

Hinikaya’t naman ng opisyal ang bawat barangay na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan kung mayroong mga aso sa kanilang lugar na nais nilang ma-impound.

Nagpaalala din ito sa mga nag-aalaga ng aso na maging responsable sa mga inaalagaang hayop partikular sa aso at bigyan ng sapat na pagkain upang hindi na ito lumabas pa ng bakuran.

Related Articles

Back to top button
Close