EnvironmentMetro PuertoTourism

GINTONG BUTIL AGRI FARM, HINIHIKAYAT ANG MGA AGRICULTURE GRADUATES NA IPAGPATULOY ANG AGRIKULTURA

Ni Clea Faye G. Cahayag

HINIHIKAYAT ng Gintong Butil Agri Farm ang mga estudyanteng nagtapos ng kursong agrikultura na i-praktis ang kanilang propesyon dahil malaki ang magiging papel nila para makamit ang pagkakaroon ng food security at sufficiency.

Sa panayam kay Miguelito E. Cervancia, Administrative Officer V ng City Agriculture Office ang naturang farm ay nagkakaloob ng mga pagsasanay sa mga magsasaka na nais matuto gamit ang teknolohiya ng natural farming.

“Kung ano man ang mga findings at observation namin sa field, we can share that doon sa mga students at sa ating mga graduates. Plus at the same time, yung mga graduate po talaga ng agriculture ini-encourage natin po sila na kung may mga farms sila, i-praktis nila sa kanilang mga farms kasi kailangan po talaga natin ng magpapatuloy ng agrikultura para ma-ensure yung ating food security and sufficiency,” ang tinuran ni Cervancia sa panayam ng lokal na midya.

Maliban dito, hinihikayat din ng kanilang pamunuan na suportahan at tangkilikin ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang Gintong Butil Agri Farm ay isang demonstration farm ng City Agriculture Office upang bigyan ng inspirasyon ang mga magsasaka sa lungsod at magbigay ng kaalaman hinggil sa iba’t ibang pamamaraan ng natural farming at farm tourism projects.

“Ini-encourage namin sila na talagang suportahan ang ating mga local farmers sa barangay natin. Hindi kasi natin sila makikita sa tabing daan lang karamihan ng mga farm nila nasa looban which is yun talaga ang maganda nilang mapuntahan para makakuha rin ng mababang price na ititinda nila,” dagdag pa ni Cervancia.

At upang matulungan ang magsasaka na maibenta ang kanilang produkto naglagay ng Kadiwa sa mismong tanggapan ng CAO at sa isang mall sa lungsod. Mayroon din nag-iikot na “Kadiwa on wheels” kung saan mabibili ang mga sariwang gulay sa mababang presyo dahil ito ay direktang binili sa mga magsasaka.

Sa pamamagitan nito, naialis ang mga middleman na tinatawag na isa sa rason kung bakit nagkakaroon ng pagtaas ng presyo ng mga produkto ng mga magsasaka na ibinibenta sa pamilihang bayan.

Related Articles

Back to top button
Close