CommunityEnvironmentHealthMetro PuertoPolitics

PARTISIPASYON NG KOMUNIDAD UPANG MAIWASAN ANG DENGUE, BINIGYANG DIIN NI KONSEHAL BAYRON

Ni Clea Faye G. Cahayag

INAPROBAHAN na sa ikalawang pagbasa ang isang resolusyon na iniakda nina City Councilor Modesto Rodriguez ll, City Councilor Raine Bayron at City Councilor Patrick Alex Hagedorn na may bilang SDR. No. 041-2022 o “A resolution requesting the City Health Office (CHO) in coordination with the educational institution and barangays within the jurisdiction of Puerto Princesa, Oplan Linis and Solid Waste Management to intensify and strengthen campaign against Dengue Hemorrhagic fever from its source”.

Sa panayam kay Bayron bilang hepe ng Committee on Health and Sanitation hiningi na rin aniya ang koordinasyon ng mga nabanggit na opisina para mas paigtingin ang mga ginagawang estratehiya partikular sa Information, Education and Communication Campaign ng lokal na pamahalaan upang mapigilan ang pagtaas ng kaso ng dengue na naitatala sa Puerto Princesa.

Dagdag pa nito, patuloy ang pagsasagawa ng fogging sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Ang Dengue ay isang impeksyon na sanhi ng virus na dinadala ng lamok na tinatawag na Aedes aegypti. Ang nabanggit na klase ng lamok ay mayroong puti at itim na guhit sa katawan.

Ito ay kadalasang umaatake tuwing 6:00 AM- 8:00 AM at 4:00 PM- 6:00 PM. Ang virus ay naililipat sa tao sa pamamagitan ng kagat ng lamok.

Batay sa pag-uulat ng kanyang komite, ayon sa datos ng CHO sa kasalukuyan mayroon ng naitalang 334 kaso ng dengue sa lungsod kung saan malaking porsiyento ang naitala sa mga urban barangay.

Kung ikukumpara noong nakaraang taon mas mataas ngayong 2022 ang kaso ng mga tinamaan ng sakit na ito. At kadalasan tuwing panahon ng tag-ulan tumataas ang kaso nito.

Photo//REPETEK

Pagbabahagi pa ni Bayron, maging ang kanyang pamilya ay hindi rin nakaligtas sa Dengue matapos magpositibo dito kamakailan.

Sa kabila ng ginagawang pagsisikap ng City Government kontra Dengue marami pa ring residente ng lungsod ang nagkakasakit nito na ayon sa Konsehal isa sa sanhi nito ang mga stagnant na tubig kaya naman binigyang diin nito ang kahalagahan ng partisipasyon ng komunidad pagdating sa paglilinis ng kani-kanilang bakuran para maiwasan ito.

“Ako talaga ang tingin ko [dahil] ang dami nating stagnant na tubig pareho sa akin sa tinitirhan ko sa likod nun creek eh tapos hindi siya flowing. Naka-screen naman kami so bakit kami tinamaan pa rin ng dengue?.

Talagang dapat maglinis tayo yun ang pinaka [dapat nating gawin] hindi natin pwedeng iasa sa City Government alone. It takes two to tango diba. Yung coin dalawang side yan, yung side ng pamahalaan siyempre gagawin natin ang best natin para maiwasan at yung side ng community kasi kahit anong gawa namin na ganito ang gawin natin linisin natin kung yung community hindi makikisama eh walang mangyayari sa atin. Syempre linisin natin ang paligid natin, yung bakuran natin, yung mga buho na hindi naka-cut ng maayos binabahayan yun ng dengue, yung mga ganun. Maliliit na bagay para sa ilan pero malaking bagay para sa amin sa City Government na maiwasan natin ang dengue,” pahayag ng Konsehal.

Nagpaalala din ito sa komunidad na palagiang gawin ang 4S strategy : Suyurin at sirain ang pinamumugaran ng lamok, Sarili ay protektahan laban sa lamok, Sumangguni agad sa pagamutan kung may sintomas ng dengue at Suportahan ang fogging/spraying operations kapag may banta ng outbreak.

Sa kasalukuyan, wala naman umanong outbreak ng dengue sa lungsod.

Related Articles

Back to top button
Close