CommunityEnvironmentHeadlinesHealthPalawan AffairsRegional

PALAWAN, NAKAPAGTALA NG MAY MATAAS NA KASO NG MALARYA SA MIMAROPA

Ni Vivian R. Bautista

MATATANDAANG ipinagdiriwang ngayong buwan ng Nobyembre ang Malaria Awareness Month na may temang “Prevention, Early Detection and Prompt Treatment towards Malaria and Filariasis Philippines by 2030.”

Base sa tala ng Vector – Borne MIMAROPA, lalawigan pa rin ng Palawan ang nangungunang may mataas na datos ng sakit na Malarya (falciparum) sa buong rehiyon.

SA ginanap na Virtual meeting noong ika-25 ng Nobyembre taong kasalukuyan, sinabi ni Mr. Winston C. Malla na Nurse I- Malaria Surveillance Officer, nakapagtala umano ng mataas na kaso ang Palawan partikular na sa bahaging Sur gaya ng mga Munisipyo ng Rizal na may pinakamataas na tala, Brooke’s Point, Bataraza, Quezon, Sofronio Espanola, Balabac at lungsod ng Puerto Princesa.

Ang Malarya ay isang sakit na dulot ng parasito na tinatawag na Plasmodium, naililipat ito sa pamamagitan ng kagat ng lamok na babae na Anopheles na may dalang parasito.

Ang lamok na ito ay kumakagat sa gabi, ito ay nangingitlog sa mga malinis at may mabagal na daloy ng mga sapa/ilog at may mga nakayunyong na sanga-sanga ng puno, ito ay madalas ding nakatira sa magugubat na lugar, at nakakalipad sa layong 1.5 hanggang 2.5 kilometro.

Ang mga sintomas ng Malaria ay lagnat, pananakit ng ulo, at panginginig. Ang mga ito ay karaniwang nararanasan mula sampung (10) hanggang (15) araw matapos makagat ng infected na lamok.

Ayon sa DOH-DHD MIMAROPA, kung makaranas ng ganitong mga sintomas ay agad na magpakonsulta sa pinakamalapit na pagamutan.

Ang sakit na ito ay malalaman lamang sa pamamagitan ng pagpapatest gaya ng Malaria RTD at Blood smear.

Panawagan din ng ahensya na magsuot ng damit na mahabang manggas tuwing gabi at jogging pants, gumamit ng insect repellant lalo na sa gabi, umiwas lumabas tuwing gabi (6pm-6am), maglagay ng “screen” sa mga pintuan at bintana kung kinakailangan, suportahan ang indoor Residual Spraying, gumamit ng kulambong tinubog sa insecticide o LLIN, magpa-blood smear kaagad kung mayroong nararamdamang sintomas, tama at maagang gamutan ay sundin upang maiwasan ang naturang sakit.

Ang lamok na Anopheles ay mayroong limang (5) uri gaya ng Anopheles flavirostris, Anopheles litoralis, Anopheles balabacensis na karaniwang matatagpuan sa Balabac, Java, Sabah, at Borneo, Anopheles mangyanus, Anopheles maculatus.

Ang lalawigan ng Palawan ay nakapagtala ng 2,451 na indibidwal na may mga kaso ng Malarya batay sa tala noong ika-31 ng Oktubre ngayong taon na bumaba ng 29.56 porsyento kumpara noong taong 2021 na may talang 4, 128.

Ang lalawigan ng Occidental Mindoro ay zero (0) case simula noong taong 2020, Malarya free din ang Marinduque at Romblon simula pa noong taong 2008 at 2012.

Samantala, nai-deklara na ring Malarya free ang probinsya ng Oriental Mindoro noon lamang September 15, 2022.

Related Articles

Back to top button
Close