CommunityEntertainmentMetro Puerto

PAGKATUTO NG MGA KABATAAN SA PAGTUGTOG NG IBA’T IBANG INSTRUMENTONG PANGMUSIKA, SUPORTADO NI MAYOR BAYRON

Ni Clea Faye G. Cahayag

NAGKALOOB ng tatlong electronic keyboard ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa sa Balayong People’s Park Management.

Ito ay personal na itinurnover ni Punong Lungsod Lucilo Bayron kay Architect Emilyn Parangue noong araw ng Lunes, ika-28 ng Nobyembre taong kasalukuyan matapos ang flag raising ceremony.

“Bale tatlo ito, ituturnover natin sa management ng Balayong Park kasi yung learning pod natin gagawin nating training sa music para sa mga bata,” ani Bayron.

Bago ito, una ng nagkaloob ng mga gitara ang Punong Lungsod sa nabanggit na pamunuan na silang mangangalaga ng mga instrumentong pangmusika.

“Meron na tayong ilang gitara doon, 13 gitara, yung iba donated. Pumunta kami ng Cebu nanood ng Ironman, bumili pa ako. Mas magagandang gitara ang binili ko. Ngayon itong tatlo [electronic keyboard] para sabay sabay na mag-aral itong mga bata doon ng keyboard. Pinagpurisighan yan, si [City Councilor] Patrick [Hagedorn] ang bumili niyan kasi nga din ko alam anong klase ang maganda,” dagdag pa ng Alkalde.

Kaugnay nito, inatasan ni Bayron si Parangue na mag-iskedyul ng araw para sa pagsasanay ng mga kabataan sa pagtugtog ng mga instrumentong ito dahil nilalayon din ang pagkakaroon ng “combo set”.

“Tapos kanina nag-usap kami ng Sanggunian, pagpursigihan namin na mag-ano tayo ng buong set ng combo para kung may magpapasched dyan, para di na kailangan magdala pa sila, meron na kaagad tayo isiset-up nalang,” ayon pa sa Punong Lungsod.


Related Articles

Back to top button
Close