CommunityPalawan AffairsPolitics

MGA BARANGAY SA LALAWIGAN NG PALAWAN, NAIS NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NA MAGING BENEPISYARYO NG ‘BROADBAND NG MASA PROJECT’

Ni Vivian R. Bautista

KAKULANGAN ng Internet ang isa sa mga problemang kinakaharap ng mga Barangay sa lalawigan ng Palawan.

Sa ginanap na regular na sesyon ng ika-44 Sangguniang Panlalawigan noong ika-29 ng Nobyembre taong kasalukuyan ay tinalakay ang ukol sa isang Proposed Resolution No. 544-22, na kapwa iniakda nina Board Member Antonio E. Alvarez at Board Member Maria Angela V. Sabando na agad namang inaprubahan.

Ang nasabing resolusyon ay may titulong “A resolution requesting Honorable Secretary Ivan John Uy of the Department of Information and Communications Technology (DICT) for the inclusion of Palawan in its BroadBand ng Masa Project (BBMP)”.

Layunin umano ng resolusyon na mapabilang ang lalawigan ng Palawan partikular na ang mga nasa malalayong barangay mula sa iba’t ibang munisipyo sa programang ‘BroadBand ng Masa Project (BBMP)’ sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Tinuran ni BM Alvarez, na magkakaroon umano ng programa sa susunod na taon ang DICT na magbibigay ng BroadBand ng Masa.
“This is like na magpapadala sila ng mga machine sa mga barangay para po magkaroon ng libreng Internet,” ani BM Alvarez.

Aniya pa, posibleng maisasakatuparan ng DICT ang nasabing programa sa susunod na taon upang makapagbigay ng libre at mabilis na internet connection lalo na sa mga geographically-isolated at disadvantaged areas sa bansa.

“I encourage my fellow Board Members kung mayroon kayong mga gustong barangay na maisali sa mga priority list kindly send me nalang sa office”, dagdag pa ni Alvarez.

Aniya, bagamat hindi lahat ng lugar sa Palawan ay maaaring mapagkalooban nito subalit malaking tulong pa rin umano sakaling mapabilang ang ilang barangay sa Palawan sa nasabing programa ng gobyerno.

Ang DICT ang mangunguna sa digitalization, harmonization, at standardazation ng data sa mga ahensya ng estado upang palakasin ang pampublikong serbisyo.

Related Articles

Back to top button
Close