CommunityEnvironmentHeadlinesNational and InternationalPalawan Affairs

MAYOR EMIL NERI NG LINAPACAN, PALAWAN, NAGSAMPA NG TAX CLAIM LABAN SA MALAMPAYA

Ni Vivian R. Bautista

TULUYAN nang nagsampa ng kaso laban sa Malampaya Gas Project si Linapacan Mayor Emil Neri.

Batay sa kanyang ibinahaging social media post, napag-alaman umano ng alkalde na dumaan sa loob ng Municipal waters na sakop ng Linapacan ang pipeline ng Malampaya, partikular na sa pagitan ng Sitio Binalabag, Barangay San Miguel at Brgy. Decabaitot patungo sa Batangas Liquified Natural Gas Facility.

Kung kaya’t nais ng kanilang lokal na pamahalaan na pagbayarin ng business tax ang Malampaya Gas Project na nag-umpisa ng kanilang operasyon mula pa noong 2001 ng Oktubre.

Ang Malampaya Gas Project ay isang magkasanib na gawain ng pambansang pamahalaan ng Pilipinas at ng pribadong sektor, ang proyekto ay pinangunahan ng Department of Energy (DOE), at binuo at pinamamahalaan ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) sa ngalan ng joint venture partners na Udenna Corporation at Philippine National Oil Company.

Nananawagan ang alkalde sa kanyang mga kababayan na isama sa panalangin ang naturang laban, sapagkat maaari umano nitong mabago ang buhay ng mga taga Linapacan na matagal nang naghihirap at hindi makaahon-ahon sa pagiging 5th class municipality.

Ayon kay Mayor Neri, hindi rin umano niya hinahabol ang natural wealth share kundi ang hindi lamang nabayarang Mayor’s Permit mula sa nasabing power plant.

Samantala, gumagamit ang Malampaya Deepwater Gas-to-Power project ng makabagong teknolohiya para kumuha ng natural gas at condensate mula sa kailaliman ng Palawan basin. Pagkatapos ay pinoproseso nito ang gas sa isang malapit na platform ng paggawa sa mababaw na tubig at dinadala ito sa tatlong probinsya sa pamamagitan ng 504 – km (313-milya) underwater pipeline.

Related Articles

Back to top button
Close