CommunityEntertainmentEventsHeadlinesMetro Puerto

110 FEET COMMUNITY CHRISTMAS TREE SA PUERTO PRINCESA, PINAILAWAN NA

Ni Clea Faye G. Cahayag

Magtatatlumpong taon ng ipinagdiriwang sa Puerto Princesa ang Light a Tree ceremony tuwing sasapit ang ika-1 ng Disyembre.

Ang taunang pagpapailaw sa Community Christmas Tree ay nagsimula noong 1993. At simula noon ito ay naging bahagi na ng tradisyon ng mga taga-lungsod bilang pagsalubong sa nalalapit na araw ng kapaskuhan at bagong taon.

Sinimulan ang programa sa isang ecumenical prayer. Sinundan naman ito ng christmas concert kung saan nag-alay ng mga awiting pamasko ang iba’t ibang choir sa lungsod. Bago ang pagpapailaw, nagkaroon din ng community singing at lighting of candles.

Ang Giant Christmas tree na may taas na 110 feet ay itinayo sa Balayong People’s Park.

Sa mensahe ni Punong Lungsod Lucilo Bayron, nagpasalamat ito sa mga taong nagpursige para matapos ito at sa mga mamamayan na sinaksihan ang pagpapailaw dito.

Binanggit din nito na planong itaas pa sa 150 feet sa susunod na taon ang naturang christmas tree.

“Maganda ang community christmas tree natin sa araw man o sa gabi, may ilaw man o wala.
Last year, ang community christmas tree natin ay dito din sa lugar na ito ay 70 ft lang. Ang foundation ng community christmas tree natin ngayon ay para sa 150 feet next year papataasin pa natin ito hanggang umabot ng 150 feet.

“Maraming salamat sa inyong malaking presenya ngayong gabi. Maraming salamat sa nagplano at nag-organize ng event natin ngayong gabi sa pangunguna ni Konsehal Raine Bayron, Assistant City Administrator Carlo Abogado, Dreu Manlawe at sa lahat ng iba’t ibang committees na nag-asikaso ng ating event,” ani Bayron.

Ang Light a tree ceremony ay nagtapos sa isang grand pyro-musical display.

Simula naman ngayong Disyembre 2 hanggang 23 ay magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad sa Balayong People’s Park.

Related Articles

Back to top button
Close